From Yesterday 2: Speak Now
“Speak now or forever hold your piece.There’s the silence. There’s your last chance…”
Tuloy pa rin ako sa pagmumuni-muni. Hindi ko alam ang gagawin sa oras na magising si Chino. Ano ba ang dapat? Tama bang maghintay pa rin ako at hayaang pagpaliwanagin siya o umalis na lamang para na rin maka-iwas sa mga kasinungalingang maari kong marinig. Malalim ang aking pagiisip. Hindi ko alam kung ang alin sa dalawa ang tamang desisyon. Sabi nga nila, mas maganda na naririnig natin ang magkabilang side ng storya pero paano kung may posibilidad na pawang mga kasinungalingan lamang ang maririnig mo? Makakaya mo pa kayang manatili para lamang sa isang malaking kalokohan? Paano kung ngayon ay magsabi naman siya ng totoo? Paano kung ngayon na ang tamang panahon para paniwalaan ang mga sasabihin niya? PAANO?
Nasa gitna ako ng pagiisip ng humigpit ang yakap sa akin ng taong nasa tabi ko. Ramdam ko ang bawat parte ng katawan niya na nakadampi sa akin. Saulo ko na ang mga detalye nun. Hindi pa rin ako kumikilos, patuloy sa pag-iisip. Unti unting lumalalim ang aking pagmumuni. Mistulang iniwan ko na ang realidad at nilipad ang utak sa isang fairytale.
“Hon, gising na…” isang malambing na salita na aking napakinggan
Muli pala akong nakatulog mula sa pagmumuni kagabi, napalalim yata ang pag-iisip ko kagabi. At ngayon, nakatitig ako sa mukha ng lalakeng patuloy na nagbibigay ng sakit sa akin. Ganun pa rin iyon, katulad kahapon, katulad nung isang araw, katulad nung nakaraang taon, parehong mukha. Walang pinagbago ang mukha ng taong minamahal ko. Nakakatuwang isipin na hindi iyon nagbabago kahit na ang mga pangyayari sa aming relasyon ay nagdulot ng malaking pagbabago sa kanya kanya naming buhay. Napa-isip na naman ako. Maya-maya ay napaluha ako ulit sa hindi malaman na dahilan.
“Hon please huwag kang umiyak. Huwag na hon please, ayokong nakikita kang naiyak. Alam ko na malaki ang nagawa kong kasalanan pero sana…” tumigil si Chino
Hindi ako sumagot. Tulala pa rin ako. Nakatingin pa rin sa kanya. Alam kong bakas na bakas sa aking mga mata ang kalungkutan. Kabaligtaran ito ng napakagandang umaga na humahaplos sa aking katawan. Alam kong ramdam niya ang kalungkutan na bumabalot sa aking katawan…nakakahawa.
“Sana… kalimutan na lang natin yung kagabi. Promise ko sa iyo.. huli na yun. Hindi na kita sasaktan pa.” pang-aamo niyang sabi sa akin
Bumalik ang naglakbay kong sarili sa aking katawan. Mistulang nagulantang sa mga narinig. “ Kalimutan??!! Kalimutan ang mga nangyari? Promise??? Well lagi ka namang ganyan! Wala ka bang bagong script ha? Yung mas kapanipaniwala. Pagod na ako sa pauli-ulit mong pagmamakaawa! Lagi na lang! Lagi na lang!” galit at pasigaw kong sabi sa kanya. Bumalik na ang matapang kong sarili.
Tahimik si Chino. Hindi siya nagsalita. Alam niya na mahirap sagutin ang mga sinabi ko. Alam niya ang totoo. Alam niya na galit na galit ako. Sumisigaw lang ako ng todo kapag napupuno na ang pasensya ko.
Muli akong nagsalita. “Ano wala kang masabi? Kung wala rin namang maayos at kapanipaniwalang salita na lalabas diyan sa magaling mong bibig, mas mabuti pang umalis na ako. Mas ok na kausapin mo ako kapag may matino ka nang sasabihin.”
Aktong babangon na ako at tutungo palabas ng hawakan niya ang mga kamay ko. “Hon please..”
“Oh Chino. Kawawa ka naman. For once and for all, nagsabi ka na ba ng totoo sa akin ha? Kailan kaya?!”
Tahimik siya. Blangko ang expression sa mukha. Wala kang mababasa na kahit anu mang emosyon.
“Anu? Kung hindi ka rin naman magsasabi ng totoo ay aalis na lang ako, FOR GOOD. Ito na ang huli sa atin. Ito na ang huli nating pagkikita.” Mabilis na nagbago ang tono ng aking pananalita. Mahinahon.
Nabigla ako sa reaksyon niya. Sa unang pagkakataon ay nakita ko ang mga luha na tumulo mula sa kanyang mga mata. Kahit kailan ay hindi siya lumuha sa harapan ko. Kahit pa maraming beses kaming nag-aaway at lagi na lang akong nagpapaka-weak, nananatili siyang matibay. Ngayon, nasa harap ko siya… lumuluha. Naguguluhan ako sa kanyang ginawa. Bakit? Bakit ka ganyan? Medyo gumaan ang nararamdaman ko sa kanya.
“Chino. Siguro ito na ang pagkakataon mong magsabi ng totoo sa akin. Sa tagal ng pagsasama natin, ngayon mo lang yan ginawa. Ok din siguro na ngayon ka rin magsabi ng totoo.” Umakto ako na hindi naapektuhan sa paglalabas niya ng emosyon. Medyo nang-iinis ko pang sinabi iyon dahil ayokong makita niya na lumalambot ako.
“Mark.. sa una palang...” tumigil siya. Marahil ay nag-isip ng tamang salita na sasabihin
“… sa una pa lang, totoo ang lahat ng salitang binitawan ko sa iyo…”
Pinutol ko ang pagsasalita niya
“WTH Chino! Alam naman natin na marami ka nang kasinungalingang sinab…”
“Pwede bang patapusin mo muna ako! Pwede?!” ngayon ay may halong pagmamatigas na ang kanyang mga salita. Wow that’s a first. Ngayon lang niya pinutol ang aking pagsasalita. Nasanay na akong hahayaan niya lang akong dumaldal ng dumaldal hanggang magsawa ako.
Hindi na ako sumagot. Pinagpatuloy niya ang pagsasalita. “Sabihin na nating marami akong nagawang kasalanan sa iyo. Maraming kalokohan. Maraming pananakit na ang naipadanas ko sa iyo. Pero kailanman… hindi ako nagsabi ng kasinungalingan. Lahat ng bagay na sinabi ko sa iyo… totoo yun. Mahal kita? Oo totoo yun. Miss na kita? Hindi kita iiwan? I had fun? Lahat ng iyon totoo! Bakit ba puro na lang pagdududa ang binibigay mo sa mga sinasabi ko sa iyo ha?!! Bakit?”
“Gusto mong malaman ang sagot?!... Kung napapanindigan mo yang mga sinasabi mo… sana hindi na ako magdududa pa. Sana walang away ngayon. Mahirap sa iyo, puro salita ka lang. Kulang ka sa gawa…”
“Pero totoong mahal kita! Totoo ang lahat ng iyon! Sabihin natin na marami akong hindi sinasabi sa iyo… pero mai-coconsider mo bang kasinungalingan ang mga bagay na hindi ko sinasabi sa iyo ha? Kinimkim ko iyon sa aking sarili para hindi ka masaktan. Para sayo”
“ Oh my god Chino! Ngayon sasabihin mo sa akin na marami ka pa lang kinikimkim. Ano para sa akin? Talaga? O para sayo? Para hindi kita iwan? Sige nga. Tell me all the things that you didn’t said to me. Siguro mababago mo pa ang sitwasyon natin.” Lumuluha ko nang sabi.
“Kung yan ba ang makakapagpasaya sa iyo, bakit ba hindi?! Simulan natin sa Napaka-seloso mo! Napaka-yabang! Nakakasakit ka! Mahirap kang pakisamahan! Hindi mo ko pinapakinggan! Wala kang oras para sa akin! Napaka-irresponsable mo! Burara! Hindi mo ko kayang pasayahin! Pero alam mo kung bakit hanggang ngayon nandito pa rin ako? Bakit nakakaya kong tiisin lahat ng mali mo? Kasi gaya mo, mahal din kita! Yun lang sana. Kahit yun na lang paniwalaan mo!”
Nawala nanaman ako sa sarili ko. Patuloy sa pagluha. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Nasaktan ako lalo na sa mga sinabi niya. Sana matagal na niyang sinabi iyon sa akin. Sana hindi niya yun kinimkim sa sarili niya.
Tahimik. Tanging ingay lamang sa pagluha ang maririnig.
Ilang saglit pa ay nagsalita na ako. “Yun ba? Yun ba ang dahilan kung bakit mo nagawang magloko sa akin? Yun ba ang dahilan kaya mo ko sinasaktan? Hindi ba dapat naging totoo ka dahil kung mahal mo ako naging totoo ka sa akin. Pakiramdam ko ay pina-plastic mo lang ako the whole time. Pero mas ok na nga iyon. Mas ok na sinabi mo yan bago pa mahuli ang lahat.”
“Hon sorry………” he paused. “let’s stop arguing. Tigilan na natin ‘to. Sinasaktan lang natin pareho ang bawat isa..”
“Matagal mo na akong sinasaktan. Matagal na! Lahat ng iyon tiniis ko. Kasi mahal din kita. Pero sana ni-respeto mo man lang ako. Nirespeto mo ang nararamdaman ko.”
“Please.. please.. I’m so sorry na. Sorry na talaga. Last na ito. Give me another chance. Please.”
“I don’t think so Chino… mas mabuti sigurong bigyan muna natin ng space ang isa’t isa para makapag-desisyon. Para makapag-isip.”
“Mark… please don’t do this to me. Promise talaga hindi na mauulit.”
“Chino, hindi ko sinabing tapos na tayo. Sinabi ko lang na bigyan natin ng time ang isa’t isa. Mag-isip. Itama ang mga pagkakamali natin. Kahit dalawang linggo lang. Sana yun man lang maintindihan mo.”
“Mark… wag please.”
“My decision is final Chino. Hindi mo ba naiintindihan na mas makakabuti ito sa ating dalawa? Mas okay na siguro ito para sa atin.”
Tahimik. Iniintay ko ang magiging sagot niya pero matagal-tagal din ng muling magsalita si Chino.
“… Mark papayag lang ako kung sisiguraduhin mong babalik ka sa akin ng hindi nagbabago ang nararamdaman mo sa akin.. babalik ka na mahal mo pa rin ako.”
“Hindi mababago ang nararamdam? Hindi okay yun. Kasi galit ang nararamdaman ko sayo ngayon. Pero masisigurado ko sa iyong mahal pa rin kita pagkatapos ng dalawang linggo.” Sabay tayo at naglakad papunta sa pintuan ng kwarto.
Tumulo muli ang mga luha niya ngunit hindi ko na hinayaang maalipin pa ang sarili ng mga emosyong iyon. Kung sakali ay magiging unfair ako sa kanya kung mag-stay ako dahil lang sa awa. Kailangan kong mag-isip. Kailangan kong ayusin ang sarili. Kailangan niyang ma-realize ang mga mali niya. Kailangan niyang plantsahin ang mga gusot na nagawa niya. Kailangan muna naming maghiwalay.
Iniwan ko siya ng lumuluha. Lumabas ako ng flat niya ng mabigat ang dinadala. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Kailangan ko ba ng kasama? Patuloy lang ako sa paglalakad palayo sa flat ni Chino. Pinara ko ang jeep na una kong nasulyapan. Wala akong pakialam kung saan pa iyon papunta o kung gaano ka-miserable ang itsura ko. Ang importante ay makalayo ako… kailangan ko pa lang mapag-isa. Pumara ako ng tumama sa aking paningin ang isang pamilyar na lugar. Bumaba ng jeep… deretso sa isang maliit na tindahan. Pagkagaling doon ay sumakay muli ako ng jeep. Para ulit. Lakad. Lakad lang. Patuloy sa paglakad.
Nagisnan ko na lang ang sarili ko sa ilalim ng isang puno. Dito ako nagpupunta kung kailangan kong makapag-isa. Umupo ako sa pagitan ng malalaking ugat nito. Napaka-payapa talaga. Nakaka-relax ang tanawin. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay sumasaya ako sa tuwing uupo sa ilalim ng punong ito. Kinuha ko sa aking bulsa ang bagay na binili sa tindahan. Binuksan. Sinindihan. Yosi? Sabi nila nakaka-relax ito. Kailanman ay hindi pa ako nakaranas manigarilyo pero mukhang kailangan ko ngayon. Tinikman ko. Nagustuhan. Bumuga ako ng usok. Wala akong pakialam kung may makakitang nakakakilala sa akin.
Patuloy sa paghithit at pagbuga. Sa bawat pakawala ng usok ay unti unting nanunumbalik sa aking isipan ang mga nangyari sa magdadalwang taon na pagsasama. Masarap alalahanin. Masarap balikan. Sana ganito na lang palagi……….
No comments:
Post a Comment